Posts Tagged ‘national emergency’

Maha-highblood ka sa pagkain ng gulay…

October 13, 2009

Mag-ingat marami nang naha-highblood sa pagkain ng gulay. Pambihira mahilig pa naman akong kumain ng gulay lalo na iyong mga nanggagaling sa Benguet at Mountain Province. Pero dahil sa pananalanta ng mga bagyong sina Ondoy at Pepeng ay maraming nasira ang mga pananim at taniman ng gulay. Resulta tumaas ng triple ang presyo ng mga gulay. Sabi nga ng isang mamimili ay mas mabuting bumili na lang siya ng karne kay sa gulay. Kaya ito ngayon ang biroan, huwag ka nang magbalak pang kumain o bumili ng gulay dahil maha-highblood ka sa taas ng presyo nito.

Kaya ano na ang ating gagawin ngayon. Buwan pa ang abutin bago makapagtanim at makapag-ani ng gulay itong mga vegetable farmers natin? Back to green revolution na naman siguro tayong lahat. Iyong kapit-bahay naming retired public school principal at nangangapit-bahay na para manghingi ng mga lata ng gatas at biscuit upang pagtaniman niya ng mga sari-saring gulay. Nawika ko tuloy sa aking sarili, takot din pala itong maatake sa puso sa sobrang kamahalan ng presyo ng mga gulay.

“Practical lang tayo Seg, kung sa palengke at supermart ka lang aasa ng iyong kakainin ay walang mangyayari sa iyo. Lubog pa sa baha ang malaking bahagi ng mga taniman natin ng gulay at palay. Kailangang tulungan natin ang ating mga sarili. May pera ka nga, wala ka namang mabibili.”

“Tama po kayo ma’am, tayong mga nasa urban centers ay puwedi ring makibahagi sa food production sa pamamagitan ng container gardening,” ang sagot ko sa kanya habang inaabot ko ang dalawang basyong lata ng biscuits na binili ko para sa amin noong kasagsagan ng bagyong si Ondoy.

“Di ba taga Baguio kayo, at doon nanggagaling ang maraming gulay na kinakain natin dito sa Metro Manila? Magtanim din kayo…”

“O-opo,” ang agad kung sagot para makaalis na siya.

Pero totoo ang sinabi niya, huwag lang umasa sa mga nagtatanim. Dapat ay magtanim ka rin ng iyong kakainin.

Naingganyo tuloy akong magtanim. Kinausap ko ang aking tatay at nanay kung gusto nilang magtanim kami ng mga sar-saring gulay sa paso at positive naman ang kanilang response sa aking proposal.

Kaya ngayon may taniman na kami ng gulay sa likuran ng aming bahay. Bumili pa ang aking tatay ng ilang hollow blocks para gawing patungan ng mga paso kung saan kami ay nagtamin ng kamatis, ampalaya, talong, petsay, at saka kalabasa. Kalabasa ang aking itinamin dahil mahilig akog kumain ng murang dahon at bulaklak nito.

Siguro mga ilang buwan din ang aabutin bago namin mapakinabangan ang aming mga pananim. Bumalik man sa normal ang daloy ng mga produktong gulay sa mga pamilihay ay itutuloy pa rin namin ang pagtatanim ng mga sari-saring gulay sa aming bakuran. Nagkaisip tuloy ako ng subukan din ang pagaalaga ng tilapia sa mga bariles at tangke ng tubig.

Pero kontra kaagad ang aking nanay at tatay dito. Masyado na raw na marami silang pagkakaabalahan. Ang totoo kasi kahit iyong mga tinanim kong kalabasa sa malaking paso ay sa kanila ko lang inaasa sa pangangalaga, hehehe.