Posts Tagged ‘Change’

Bagong Taon, ano nga ba ang nagbago?

January 3, 2010

Petsa lang yata at oras ang nagbago. Parehong mukha at tao pa rin ang gumagalaw sa ating paligid malibang lang sa mga bagong silang. Nandiyan pa rin ang mga dati nang problema na ating kinakaharap sa bansang ito. Walang nagbago, mausok pa rin ang Metro-Manila sa dami ng mga sasakyan at matrapik pa. Nandiyan pa rin sa kalye ang mga naglipanang holdaper, isnatser, akyat bahay, mangagantso, mandurokot, adik, pokpok, at mga kapit-bahay na wala nang ginawa kundi magtsismis ng maghapon. Marumi pa rin ang paligid at naglipana ang mga iskwater, street children, pulubi, mga sidewalk vendors, etc. A, talagang wala na yatang katapusan ang mga problema ng bansang ito. Hanggang ngayon wala pa ring katahimikan ang Mindanao dahil sa mga rebelde at bandido. Nandiyan pa rin ang mga NPA na hanggang hindi nila nakakamit ang mga pagbabagong nais nilang makamtan ay hindi sila bababa sa mga kabundukan. Huwag din nating kalilimutan nandiyan din ang mga pulitiko at mga kurakot na opisyales ng gobierno na isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit lugmok na ang bansang ito sa kahirapan. At saka dumadami pa ang ating papolasyon. Resulta, poverty and economic crisis kung saan ay may kakulangan tayo sa lahat ng bagay at may kabagalan sa pag-unlad.

A, problema. Kaya hindi umuunlad ang ating bansa dahil sa mga sari-saring problemang nararanasan ng bawat mamamayang Pilipino. Pero sabi naman ni Mer, wala daw saysay ang buhay natin kung wala tayong mga problemang dinadala. Masarap daw ang buhay kung may mga problema kang nilulutas. Oo nga naman problem ko rin siya sa aking bulsa. Kasama ko siya sa Baguio kung saan namin sinalubong ang Bagong Taon. Panay ang kuha niya ng larawan sa Burnham Park at natutuwa pa sa dami ng mga tao na nakahiga lang sa damuhan, mga naglalakad at namamasyal, mga nagsasaya, mga nagkukuwentohan, mga turistang nagbo-boating, at mga naglalako ng kung ano-ano diyan.

Pero nandiyan na iyan pagtiyagahan na natin; bansa natin ito. Wala tayong magagawa sa mga sandamakmak na problema na minana pa natin sa ating mga Nino at mga magulang. Alangan namang basta na lang tayo’y susuko. Basta may pagkakaisa at damdaming sumunod sa mga patakaran ay pasasaan ba kundi unti-unti din nating malulutas ang problema ng bansang Pilipinas. Pasasaan ba at bawa Pilipino ngayon ay uunlad din sa hinaharap. Kailan kaya?

Huwag kang mawalan ng pag-asa maghintay ka lang ang sabi ni Mer. Pero hanggang kailan? A, basta maghintay ka. Iyan ang sabi niya. E, di maghintay.

Ang pagbabago ay hindi namang overnight at kuha mo kaagad ang resulta. Mahabang panahon ang gugugulin, mahaba pa ang iyong pasensiya? Dapat lang dahil sabi nila habang buhay ay may pag-asa. May nagbago nga ba sa taong ito? Oo, naman mayroon. Kung si Mer nga ay nagbago for a day, naging galante from being kuripot. Siguro naman marami din po diyan sa ating mga kababayan ang nagbago na sa paguugali. Nawa’y sila ay Maka-Diyos, Maka-Tao, at Maka-Kalikasan.

Ang maliit mang ipinagbago ng bawat isa sa atin (of course for the better) ay malaking hakbang sa pag-unlad ng ating mahal na Bansang Pilipinas. Sana sa darating na halalan ay wala nang dayaan pa at ang sinasabi nating presidente ay hindi na po Peke. Aasahan din natin ang pagka-halal kay pangulong Arroyo bilang kinatawan ng kanilang distrito sa Pampanga. For a change di ba mayroon na tayong presidente na magiging Kongresista? Aba, pagbabago rin ito.

Mabuhay po kayong lahat at Manigong Bagong Taon. Mabuhay ang Pilipinas!