Posts Tagged ‘election’

SOUR GRAPES…Noynoy’s Victory

May 12, 2010

Surprise nga ang nangyari sa halalan, sa halip na magkaroon ng failure of election halos 90 percent or more ang rate of success. At inaasahan na babaha sa boto (hindi sa basura) ang boto ni Noynoy Aquino. Ngayon nasaan iyong banta niya ng people power? Halos umabot na sa kanyang panot na toktok ang kanyang ngito sa tuwa dahil hindi na mapigilan pa ang kanyang pagkapanalo sa posisyon ng pagka-presidente ng Pilipinas. Inaasahan na niya na siya nang papalit ngayon kay Gloria. Muling napasakamay ng isa pang Aquino ang Malacanang!

E, bakit nga hindi matutuwa ang LP niyan landslide victory nga ang kanilang pagkapanalo? Kaya naman itong mga ibang nangulelat (kahit gumastos pa ng bilyon-bilyong piso) ay nag-concede na kaagad di ba Mer? Very gentleman daw si Manny Villar na una nang nagpahayag ng pagtanggap sa kanyang pagkatalo. Si Gibo naman ay buong puso niyang tinanggap ang kabigoang mapaglingkuran ang sambayanan bilang Pangulo ng Pilipinas. Si Dick Gordon naman ay wala na siyang ibang option kundi tanggapin na hindi siya ang napipisil ng mga Pilipino na tawaging Mr. President of the Philippines kahit punong-puno pa siya ng karanasan. Anyway iyan ang like ninyo, e di magtiis kayo kundi makapag-deliver itong ibinoto ninyong Pangulo. After all sabi ni Gordon, Aquino’s win is a loss for the Filipinos. Naku po paano na iyan?

Kaya itong si Erap na idol ng mga mahihirap ay hindi pa rin nagko-concede alang-alang ala sa kapakanan ng mga taong umaasa sa kanyang pangako na mai-ahon sila sa hirap. Biro mo nga ba naman kapag nanalo siya, kay Erap ay may ginhawa? Paano na iyan Mer, mukhang matatalo yata itong si Mr. Asyong Bigotilyo?

Tanong ko lang po, walong milyong Pilipino lang ba ang mga mahihirap? Ano na ang nangyari sa iba, sino ang ibinoto nila, iyong tunay bang mahirap? Iyan kasi ang ating napapala, kinakapital nating itong mga mahihirap upang maluklok sa puwesto at pagkatapos basta-basta na lang silang kalilimutan.

Kaya masama ang loob nitong si Banong na isang taga-hanga ni Erap. Araw-araw siyang nangangampanya para sa kanyang idol only to find out pagkatapos ng halalan na ang laki pala ang kalamangan ng boto ni Nonoy doon sa boto ng kanyang idolo. Oo, mas malaki ang boto ni Noynoy kay sa boto ni Erap kaya expected nang ito si Noynoy ang ipoprokalama ng Kongreso na bagong halal na presidente. Pero trending lang daw iyan at baka sa bandang huli ay si Erap pa rin ang panalo. Nahihibang na yata itong si Banong, kasing hirap pasukin ng isang elepante ang butas ng karayom ang himalang kanyang hinihintay.

Pero totoo kaya na lalo lamang maghihirap ang Pilipinas pagka-upong pagka-upo ni Noynoy sa trono? Totoo kaya ang kanilang sinasabi na lalo pa siyang malalagasan ng buhok sa dami ng problemang hinaharap ngayon ng Pilipinas na haharapin ng kanyang administrasyon. Panalangin na lang ng mga fans ni Kris Aquino ay sana naman manahimik na itong si Gloria nang di namang lubusang makalbo ang kanyang kapatid pagkasumpa niyang pangulo ng bansa.

To Banong and Kapitan Kidlat, you have to endure for another six more years before your idol can run again for president, hehehe. Meanwhile, let us all unite to save the Republic of the Philippines alang-ala sa kinabukasan ng mga magiging anak at apo namin ni Mer sampo na ang milyong-milyong mga Pilipino na ngayon ay naghahangad ng pagbabago!

Ganito Pala Magmahal si Madam President sa Kanyang mga Kabalen

January 7, 2010

Ewan ko kung saan hinakot ni Archbishop Oscar V. Cruz ang kanyang mga datus pero sa kanyang kompyutasion ay umaabot na ng P4 trillion (pesos) ang utang ng ating pamahalaan. Ibig sabihin kung umabot na ang populasyon natin ng 100 million, bawat mamayang Pilipino ngayon ay may utang nang P40,000. Ni hindi man lang niya nahawakan ang pera at ni kusing ay wala pa naman siyang ginagasta. Ipagpalagay na po nating may katotohanan ito, aba’y kay saklap naman na kapalaran. Sino naman kayang walang puso at kaluluwa ang nandiyan sa gobyerno na gumawa niyan. Ala e, di ako sang-ayon niyan na maging bahagi ng nakakalulang utang na iyan na alam naman nating lahat ang puno’t dulo nito; korapsiyon sa gobyerno. Kaninong gobierno Joy?

But anyway mayroon namang ibinalita itong si Akbayan Rep. Riza Hontiveros na gumastos daw si Presidente Arroyo ng “P459 million of government funds in 2009” para sa kanyang mga kabalen sa kanyang distrito sa Pampanga kung saan daw siya ay tatakbo bilang kinatawan. Hmmm, very interesting. Totoo kaya? Baka naman gumagawa lang ng alingasngas itong party list representative upang mapansin dahil tatakbo siya ngayong Senador under Liberal Party Drillon wing.

Sige na nga patulan na natin si Rizza. Ano nga ba itong P459 million na ginasta ni madam president sa kung ano-anong proyekto na magdadala ng kaginhawahan at pag-unland ng kanyang mga Kabalen, may illegal bang transaksiyon dito? Wala naman daw pero sabi ni Hontiveros, “The amount she spent for her district for last year alone is nine times more than the infrastructure allocation given per congressman annually.” Bawat taon ay P70 million lang ang ibinibigay na pork barrel sa isang Kongresman.

Ka pamu, kaya pala pinadidiskwalipay niya ang pagtakbo ni madam President sa second district ng Pampanga dahil sa dami ng perang kanyang ginasta para sa kanyang mga kabalen dito ay sira ulo na lang ang sino mang tatakbo para labanan siya sa pagka-kongresista. Hindi daw patas ang laban mga kabalen. E sino nga ba ang nagsabi na laging patas ang laban sa pulitika lalo na kung ang iyong katunggali ay ang pinakamamahal nating pangulo.

Hayaan na ninyo si madam, ganito lang siya magmahal sa kanyang mga kabalen lalo na kapag nanalo siya ay magiging daan muli nito sa pag-akyat sa pinakamataas ng puwesto bilang Prime Minister if ever na magkakaroon ng Charter Change.

Pero hindi ba kayo nababahala, more than 4 trillon pesos na raw ang utang ng pamahalaan natin. At sino ang magbabayad niyan di ba tayong lahat, kabilang na doon sina ate Chi, Mer, at KapitanKidlat? Hehehehe!

“Same to you, sit down government…”

October 26, 2009

Narinig ko lang ang kuwentong ito kay lola Caring nang minsang nagbakasyon siya sa Pilipinas pagkatapos ng mahabang panahong paninirahan nila sa Europe kung saan ang anak niyang si tita Inday ay nakapag-asawa ng isang matandang Aleman.

Noong kabataan pa ni lola Caring ay pumasok siya bilang isa sa mga kasambahay ng mayaman ngunit matanda nang pulitiko. Matagal nang byudo ang pulitiko ngunit muli siyang nag-asawa nang maakit siya sa napakaganda, sexy, makinis, maputi, at malambing niyang kasambahay. Niligawan niya ito, niregalohan ang mga magulang ng ilang ektaryang lupaing at isang maliit na traktora upang magamit sa pagsasaka. Dahil dito ay hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang dalaga at sinagot agad ang matandang pulitiko.

Dahil sa kahirapan ay ni hindi man lang nakapagtapos ng elementary ang babae. Ngunit hindi ito dahilan upang hindi siya mahalin at paligayahin ng kanyang mister na isang kilalang pulitiko. Iyong nga laman kung may mga matataas na taong bisita ang pulitiko ay nasa background lang si misis na taga-utos sa mga katulong. Ngunit ng madalas nang tanonging at hanapin sa kanya si misis ng kanyang mga bisita ay nagpasya itong iharap sa kanila. Pero bago iyon ay binigyan muna siya ng mga tips at training kung papaano humarap at makihalabilo sa mga bisitang pulitiko, opisyales ng gobyerno, propesyonal, at may sinasabi sa buhay.

Sa umpisa ay madalas pumalpak at pagtawanan si misis. Ngunit sa kalaunan ay natoto na rin siya humarap at makihalabilo sa ano mang uri ng mga bisita. Bagamat isang istupida ang tingin ng marami sa kanya ay labis naman siyang hinahangaan, o kaya’y pinagnanasaan, ng mga kaibigang pulitiko ni Mr. Politician. Naging popular tuloy ito sa kanilang bayan at probinsiya dahil sa pagiging friendly ng kanyang misis.

Dumating ang lokal na halalan at si Mr. Politician ay kinuhang running mate (for vice-governor) ng nakaupong gubernador sa kanilang probinsiya na isang ring reeleksyonista. Malakas ang hatak ni Mr. Politician sa tao dahil kay Misis na laging hinahanap ng mga tao tuwing may campaign rally sila. Natuwa naman dito ang gubernador dahil pati siya ay lalo pang napapalapit sa puso ng mga botante.

Ngunit isang linggo na lang bago ang halalan ay biglang inatake si Mr. Politician sa puso na siyang ikinamatay nito. Nagluksa ang buong probinsiya sa kanyang pagkamatay kung saan pati na rin ang mga kalaban sa pulitika ay nakipaglamay at nakiramay pa sa kanya. Kaya naman napagpasyahan ng partido na si Misis na lang ang papalit sa kanya bilang kandidato sa pagka-bise gubernador. Dahil dito ay pinuntahan siya mismo ng gubernador upang kumbinsihin na pumalit sa kanyang mister.

“Condolence Mrs. Politician,” ang bungad na salita sa kanya ni governor.
Malungkot ngunit nagawa pa ring ngumiti ni Misis sabay sabi: “Same to you, sit down government.”

To cut the story short pumayag si Misis na maging kapalit ng kanyang mister na kumandidato sa pagka-bise gubernador at nang matapos ang halalan ay siyang nanalong Vice-governor. Kaya nang iproklama sila ng COMELEC na nanalo sa pagkagubernador at pagka-bise gubernador ay hindi maiwasang tanungin sila ng mga taga Media kung ano na ang kanilang mga plano bilang mga halal na opisyales ng probinsiya.

Si governor ang unang nagsalita. Pinasalamatan ang mga bomoto at sumuporta sa kanila. Kabuhayan, kaunlaran, kapayapaan ang tanging sagot ni governor na kanyang tututukan sa kanyang pagkakahalal muli bilang pinuno ng probinsiya.

Pagkatapos ni governor ay si Misis Politics naman ang kanilang tinanong.

“Mrs. Politics, now that you are elected as the vice-governor of this province can you tell us what are your plans?”

Ngumiti lang si Misis Politics. Mamaya ay nagsalita na. Inaabangan naman ng marami ang kanyang sasabihin. Halos hindi na humihinga ang lahat sa sobrang excitement kung ano ang sasabihin ng bagong halal na bise-gubernador.

“P-plans, hehe. A, you mean plants? I have plenty like malunggay, eggplants, ampalaya, kalabasa and ornamental plants!”

Siya nga naman, plants pala at hindi plans, hehehehe.